Sunday, December 30, 2012

Gising

Hindi makatulog dahil nakaramdam ng gutom, Nagpasyang pumunta sa kusina upang kulain at uminom Mansanas na pula at konting tubig Sapat na upang masiyahan ang bibig. Hindi agad dalawin ng antok Dahil siguro sa sodang nilagok, Mayroon itong substansyang pampagising Kaya't ako ay para lang lasing

Tuesday, December 15, 2009

pasko


Malamig ang simoy ng hangin,
Pasko'y malapit ng dumating.
Pangarap na laruan aking hihihintayin,
Bigay ni nanay at tatay na butihin.

Bagong damit isusuot
Mabango at hindi gusot.
Mamamasko bahay-bahay
Mga kalaro ay kasabay.

Thursday, December 14, 2006

Ang Aking Kuya


Ang aking Kuya matangkad at malusog
Kapag iyong nakita parang laging busog
Mata niya'y singkit para siyang Hapones
Kulay niya'y kayumanggi, mahusay siyang magbihis

Mahal niya ako at mahal ko rin siya
Kapag ako'y umiyak, andyan agad siya
Kanyang itatanong, "Bakit umiiyak?"
Sabay lapit sa'kin,yayakap na tiyak.

Minsan sa sahig ako'y nadapa
Lapit siya agad sa akin ay naawa
Ako'y itinayo at kanyang kinarga
'Yan ang aking kuya, mapagmahal twina.

Wednesday, December 13, 2006

Tili









Ahhhhh. eeeeeeeh,si bunso tumili
Malungkot o masaya. siya'y tumitili
basta nakakita ng bagay na maganda
Hayan uli siya sumisigaw twina.

Tili..tili ng batang munti
Nakatutuwa, parang kiliti
Kay sayang pagmasdan
Kay sayang pakinggan

Minsan siya'y tumili
ngunit walang ngiti
Kamay pala'y naipit
namilipit sa sakit.

Saturday, December 9, 2006

Bola

Ugtol...Ugtol bolang makulit
Laruan ko tag-ulan man o tag-init
Pwede sa labas o loob ng bahay
Pwedeng igulong o ihagis ng kamay.

Halina maglaro, ito ay saluhin
Bolang bilog sadyang nakakaaliw
Iba't ibang laro pwede mong gawin
Ibuslo, ihagis patalun-talunin.

Friday, December 8, 2006

Lobo

Minsan mag-anak ay namasyal
Naglakad-lakad papuntang karnabal
Kasama si neneng na munti at makulit
Humiling ng lobo, talagang namilit

Palibhasa'y bunso, pinagbigyan ni tatay
Binili ang lobo na dilaw ang kulay
Si Neneng ngumiti abot hanggang tenga
Humahagikhik sa tuwa, nagpasalamat sa ama.

Umuwi ng bahay na masayang masaya
Si neneng naglaro hanggang magsawa siya
Nang malingat sa pagkakahawak sa laruan niya
Lumipad sa langit at di na nakita.

Umiyak panandali ang batang lista
Inalo ni nanay at ng kanyang kuya
Sinabing sa kanilang muling pamamasyal
Bibiling muli iba namang kulay.